Aabot sa mahigit 10,000 residente ng Marikina City ang lumikas matapos umapaw ang Marikina River kaninang madaling araw.
Batay ito sa datos ng pamahalaang lungsod kasunod ng pagsasailalim sa ikalawang alarma sa ilog dakong alas-4 ng umaga kanina.
Mula sa nasabing bilang, mahigit 2,000 rito ang pansamantalang tumuloy sa Malanday Elementary School na siyang pinakamalaking paaralan sa lungsod.
Ayon sa ilang mga residente, naging maagap sila dahil bukod sa malakas na pag-ulan ay may kasama pang malakas na hangin ang bagyong Kristine.
Bagaman manaka-naka pa rin ang pag-ulan sa Marikina City, sinabi ng mga residente na mas maayos na ang lagay ng panahon ngayon kumpara kahapon ng hapon hanggang kaninang madaling araw na malakas ang buhos ng ulan. | ulat ni Jaymark Dagala