Ipinag-utos ng Land Transportation Office (LTO) Chief ang pagkansela sa lahat ng bakasyon ng mga enforcer ng ahensya upang masiguradong maayos at tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong sa mga lugar sa Luzon at Visayas na matinding naapektuhan ng bagyong Kristine.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ito ay bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na siguruhing walang patid ang paghahatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Kabilang sa mga pinakamatinding tinamaan ay ang rehiyon ng Bicol, Cavite, Laguna, at Batangas.
Sinabi ni Mendoza na lahat ng enforcer at key officers ng LTO sa Luzon at Visayas ay kinakailangang magpatuloy sa kanilang tungkulin, upang mapanatili ang kaayusan at mapabilis ang relief operations.
Dagdag pa niya, mahalaga ang presensya ng mga tauhan ng LTO sa mga pangunahing kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at commuter. | ulat ni Diane Lear