Isang malakas na koordinasyon ng Legazpi City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at mga uniformed personnel mula sa iba’t ibang ahensya ang naging susi sa matagumpay na pagtugon sa mga epekto ng nagdaang bagyo sa Legazpi City.
Ayon kay Engr. Meladee Azur, Head ng Legazpi CDRRMO, naging malaking tulong ang mga tauhan mula sa Philippine Army, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy, at Maritime Unit sa pag-rescue at pagtulong sa mga residente.
Bago dumating ang bagyo, naglabas na ang Legazpi City Disaster and Climate Change Resilience Council ng advisory para sa pre-emptive evacuation bilang pag-iingat sa pagbaha, landslide, at posibleng pag-agos ng lahar.
Naabisuhan din ng CDRRMO ang mga BDRRM units at isinagawa ang malawakang information dissemination bilang paghahanda.
Isang search and rescue team ang nabuo kasama ang mga uniformed personnel upang matiyak ang kaligtasan ng mga naapektuhan.
Matapos ang bagyo, nagtungo ang CDRRMO sa mga evacuation centers upang suriin ang kalagayan ng mga evacuees, at, katuwang ang City Engineering Office, isinagawa ang debris clearing sa mga lugar na matinding binaha tulad ng barangay ng Mauyod, Ilawod East, Brgy 18, Cabangan West, Rizal Street Ilawod, Cabangan East, at Binanuahan.
Dahil sa pagbaha bilang pangunahing panganib sa Legazpi, umaasa si Engr. Azur na madaragdagan ang mga rescue boats para sa mga susunod na operasyon.
Ang CDRRMO, kasama ang mga uniformed personnel, ay nananatiling nakatuon sa mga susunod pang hakbang para sa kaligtasan ng mga residente ng Legazpi City. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1-Albay
📸 Rolly Esguerra