Personal na inihatid ni Auxiliary Commander Gerald Anderson ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA) ang kanyang mga paunang donasyon para sa mga pamilyang apektado ng Bagyong Kristine.
Isinakay agad ang mga nasabing donasyong relief packs sa BRP Cabra (MRRV-4409) na may lamang kape, noodles, canned goods, sako-sakong bigas, at purified drinking water.
Nakatakdang naman itong ibyahe papuntang Bicol at Camarines Sur simula ngayong umaga.
Maaalala rin noong ika-24 ng Oktubre, daan-daang sako ng bigas ang una nang naipadala ng mga kinatawan ng ACT-CIS Party-list, kabilang sina Auxiliary Commodores Erwin Tulfo, Eric Yap, Edvic Yap, at mga Auxiliary Commanders mula PCGA.
Nagpasalamat naman ang PCG, sa pangunguna ni Admiral Ronnie Gil Gavan, sa mabilis na tugon ni Auxiliary Commander Anderson at iba pang tumulong sa mga nasalanta ng bagyo. | ulat ni EJ Lazaro