Darating na ngayong araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 290 Filipinos na inilikas mula sa Lebanon.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, sakay ng chartered flight mula Beirut papuntang Manila ang mga Pinoy, na may stopover sa Doha, Qatar.
Sa kabuuang bilang, 232 dito ang mga Overseas Filipino Worker (OFW),ang iba ay mga Overseas Filipino at mga dependents.
Ang hakbang na ito ng DMW at Department of Foreign Affairs ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pauwiin sa bansa sa anumang paraan ang mga Pinoy, dahil sa kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Dahil sa pagdating ng 290 Pinoy, nasa 903 OFW repatriates at 47 dependents na ang napauwi sa bansa simula noong Oktubre 2023.
Pagtiyak pa ng kalihim na lahat ng Pinoy na umuwi ng bansa ay bibigyan ng cash assistance mula sa DMW, OWWA, DSWD at iba pang livelihood opportunities mula sa TESDA.| ulat ni Rey Ferrer