Isang buwang moratorium sa pagbabayad ng amortization at lease para sa lahat ng mga benepisyaryo ng pabahay ang ipapatupad ng National Housing Authority (NHA).
Tugon ito ng NHA sa panawagan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para matulungan ang mga benepisyaryo matapos ang mananalasa ni bagyong Kristine.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, ang moratorium ay awtomatikong ipatutupad para sa mga benepisyaryo sa buong bansa mula Nobyembre 1-30, 2024.
Magsisimula muli ang pagbabayad ng amortization at lease sa Disyembre 1, 2024.
Ayon kay GM Tai, walang ipapataw na delinquency o karagdagang interes sa panahon ng moratorium hanggang Nobyembre 30, 2024.
Anumang penalties at interes na naipon bago ang Nobyembre 1, 2024, ay muling magsisimula sa Disyembre 1, 2024.
Hindi na kailangan ng mga benepisyaryo na mag-apply para sa moratorium na ito.| ulat ni Rey Ferrer