Umabot na sa P84 milyon ang halaga ng pinsala na dulot ng Bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Laguna, ayon sa tala ng Laguna Office of the Provincial Agriculturist.
Pinakamalaki sa mga nasalanta ay ang mga palayan, high-value crops, at pangisdaan.
Sa pakikipanayam ng Radyo Pilipinas Lucena kay PDRRMO Head Aldwin Montecines Cejo, naitala sa lungsod ng Santa Cruz ang pinakamaraming nasirang agri-crops na umabot sa halagang P35 milyon, at sa pangisdaan naman, ang bayan ng Siniloan na halos P14 milyon ang halaga ng nasalanta.
Kaugnay nito, batay sa situational report ng Laguna PDRRMO, nasa halos 12 milyong pamilya o katumbas ng mahigit 51 milyong indibidwal ang nailikas ng tanggapan sa pamamagitan ng pre-emptive at forced evacuation nitong kasagsagan ng bagyo.
Dalawa naman ang naitalang casualties dahil sa pagkalunod dulot ng pagbaha mula sa Barangay Pulong Sta. Cruz, Santa Rosa City.
Agarang umaksyon at nagsagawa ng relief operations ang pamahalaang panlalawigan sa mga lugar at evacuation center sa mga bayan at lungsod na lubhang sinalanta.
Naisailalim na sa State of Calamity ang 9 na bayan at lungsod sa lalawigan ng Laguna dahil sa Severe Tropical Storm Kristine. | ulat ni Tom Alvarez | RP1 Lucena