Sa kaniyang supplemental affidavit, ibinahagi ni dating PCSO General Manager Royina Garma na personal siyang nakatanggap ng pabuya matapos ang matagumpay na operasayon sa ilalim ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa ika-siyam na pagdinig ng Quad Committee, inilahad ni Garma ang dalawang pagkakataon kung kailan may natanggap siyang reward matapos may mapatay sa kanilang operasyon kaugnay sa laban kontra iligal na droga.
Isa rito ay noong siya ang station commander sa Sasa kung saan isang suspek ang nabaril at kalaunan ay namatay sa ospital.
“From that operation, I received P20,000 from Sgt. Suan provided by Boy Alce,” sabi ni Garma.
Habang ang isa naman ay isang pusher na namatay sa may gasolinahan.
“I remember this person because, in the morning of the day of his death, the duty desk officer informed me that he went to my office and left an image of the Holy Family, to tell my men that he just went to Mass and was very happy. A few hours later, he was dead…There was never any clearance from my office for this operation, nor was my office informed of it,” paglalahad niya
Sa dalawang pagkakataon na ito aniya, nakatanggap siya ng tig-P20,000.
Depende aniya sa drug personality na mapapatay, aabot ang reward sa P20,000 hanggang P1 million.
Kada buwan naman aniya, inaatasan ang mga police commander na magsumite ng report kaugnay sa mga matagumpay na operasyon.
Gagamitin naman ito para sa reimbursement ng mga operational expense gaya ng buy-bust money at gasolina na nagkakahalaga ng P5,000.
Ang humahawak naman ng reimbursement na ito ay si Irma Espino alyas ‘Muking.’ | ulat ni Kathleen Forbes