Muling nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mga kasamahang mambabatas na talakayin at pagtibayin na ang House Bill 7396 o panukala para sa pag-buo ng isang departamento na tututok sa Artificial Intelligence o AI.
Giit ni Barbers kailangan na ng Pilipinas ng isang multi-agency regulatory body para sa AI upang magamit ito sa pagpapalakas ng kasanayan ng mga Pilipino, pagiging produktibo ng mga negosyo at pagiging competitive ng ekonomiya ng bansa.
Punto niya na halos lahat ng bansa sa mundo ay nagsasagawa na ng mga pambansang polisiya o batas sa patuloy na pag-unlad ng kaalaman tungkol sa AI at hindi aniya dapat magpahili ang mga Pilipino sa pagyakap nito.
Paalala pa niya na sa paglabas ng bagong teknolohiya na AI, tiyak din na may mga tao na gagamitin ito sa kasamaan kaya’t kailangan na mapaghandaan ang pag-tugon dito.
“We Filipinos need to embrace AI because we cannot avoid it. Hindi dapat tayo magpahuli sa mga bagay na ito dahil malaki ang magiging impact nito sa ating lipunan, partikular na sa edukasyon, negosyo at ekonomiya,” sabi ni Barbers.
Sa inihain nitong panukala, magtatatag ng isang Artificial Intelligence Development Authority (AIDA) na mangunguna sa pagbuo at pagapaptupad ng isang national AI strategy.
Layunin nito na isulong ang research and development sa AI, suportahan ang paglago ng AI-related industries at linangin ang manggagawang Pilipino sa paggamit ng AI.
Magsisilbi ring watchdog o tagapagbantay ang AIDA laban sa mga indibidwal o grupo na gagamitin o gumagamit ng AI para sa krimen iba pang masamang gawain.
Kasama rin dito ang pagbibigay proteksyon sa privacy of data at iba pang personal na impormasyon gayundin ang pagkakaroon ng ligtas, secured at transparent na AI systems. | ulat ni Kathleen Forbes