Nangako ang Department of Finance na patuloy nilang palalakasin ang paghahanda at pagtugon ng mga pamahalaang lokal tuwing may kalamidad.
Ginawa ng DoF ang pahayag kasunod ng pananalasa ng bagyong Kristine kung saan mahigit sa 40 probinsya, 73 na syudad at 733 na munisipalidad ang naapektuhan.
Kabilang dito ang climate adaptation initiatives sa ilalim ng People’s Survival Fund (PSF).
Ang PSF ay nilikha sa pamamagitan ng RA 10174 bilang taunang pondo ng mga local government units at accredited local community organizations para ipatupad ang mga climate change adaptation projects.
Ayon pa sa Kagawaran, patuloy na isusulong ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ang mas maraming micro-insurance coverage para sa mga vulnerable sector ng LGUs sa gitna ng kalamidad na dumadating sa bansa.
Base sa latest World Risk Index, ang Pilipinas ang nanatiling “ most disaster-prone country” sa loob ng 16 na taon dahil sa hamon na kinahaharap nito tuwing may bagyo, lindol at tuwing panahon ng tagtuyot. | ulat ni Melany Reyes