Inalerto ngayon ng DENR Mines and Geosciences Bureau ang mga lokal na pamahalaan na manatiling mapagmatyag sa posibleng banta pa rin ng mga landslide, flashflood at pag-agos ng debris dulot ng Bagyong Leon.
Sa inilabas nitong threat advisory, tinukoy ng ahensya ang nasa 1,995 na mga brgy mula sa CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA, Central Visayas at Western Visayas region na prone sa landslide at baha batay sa geohazard maps.
Dahil dito, inaabisuhan ang mga LGU, Disaster Risk Reduction and Management Councils(P/C/M/BDRRMCs), at mga residente na manatiling nakahanda kabilang ang pagpapatupad ng preemptive evacuation protocols.
Pinapayuhan din ang mga LGU na una nang tinamaan ng landslide na patuloy sa suriin ang mga lugar bago payagan ang mga tao na bumalik sa kanilang mga tirahan.
Pinapayuhan din ang mga lokal na opisyal na regular na suriin ang mga upstream areas dahil maaaring magkaroon ng mga landslide na magdulot ng pagbabara at biglaang pagbaha o pag-agos ng debris sa mga lugar sa ibaba ng agos.
Maging ang mga residente ay dapat din aniyang
maging maingat at bantayan ang mabilis na pagtaas ng tubig mula sa ilog dahil maaaring magpahiwatig ito ng nalalapit na biglaang pagbaha. | ulat ni Merry Ann Bastasa