Tuloy-tuloy ang pagbibigay ng mga ayudang pangkalusugan ng Albay Provincial Health Office sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
Sa ulat ng Albay Provincial Information Office, nasa 1,975 na hygiene kits at essential supplies na ang naipamahagi ng Provincial Health Office sa iba’t ibang mga City Health Units (CHUs) at Rural Health Units (RHUs) sa Albay. Dagdag pa rito ang 374 family kits, 223 water containers, at 178 na balde ng hygiene kits.
Aniya, naipamigay na ito sa mga RHU ng Daraga, Guinobatan, Oas, Libon, Polangui, Camalig, Malilipot, Sto. Domingo, Bacacay, Malinao, Tiwi, at mga CHU ng Legazpi, Ligao, at Tabaco.
Nakakatanggap din ng iba’t ibang klase ng mga gamot ang mga Rural Health Units ng Bacacay, Tiwi, at Malinao noong nakaraang araw, tulad ng Paracetamol, Ascorbic Acid, at iba pa.
Inaasahan din na magsasagawa ang PHO ng medical mission sa mga naapektuhang komunidad ng Bagyong Kristine sa probinsya.
Samantala, sa pinakahuling datos ng Albay Public Safety and Emergency Management Services (APSEMO), halos kalahating milyon na mga indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Kristine sa Albay. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay