Umabot na sa mahigit P147-M ang halaga ng relief assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Kasama sa tulong na ipinamahagi ang nasa 211,356 Family Food Packs (FFPs), galon ng tubig, 6-litro na bottled water na donasyon ng Maynilad, mahahalagang non-food relief items, at tulong pinansyal sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng bagyo.
Sa ngayon, mayroong P3-M standby funds at P159,957,589 halaga ng food at non-food items ang DSWD Bicol na naka-prepositioned sa iba’t ibang warehouses ng ahensya sa mga lalawigan ng rehiyon.
Patuloy na nagpapatuloy ang DSWD Bicol sa pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa mga residente na naapektuhan ng sama ng panahon.
Ayon sa tala ng DSWD Bicol, umabot sa 556,958 pamilya o mahigit 2.3-M residente sa Bicol ang apektado ng bagyo. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay