Inaasahang masisimulan sa taong 2026 ang Bicol River Basin Development Project na naglalayong mabawasan ang pinsala ng pagbaha sa rehiyon.
Sa press briefing sa Office of the Civil Defense (OCD), sinabi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na bago pa man dumating ang bagyong Kristine, naglabas na ng executive order si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na nag-aatas sa iba’t ibang ahensya na bumuo ng komprehensibo at integrated na plano para sa 18 pangunahing ilog sa bansa, kabilang na ang Bicol River Basin.
Layunin nitong mabawasan ang pinsalang dulot ng pagbaha sa mga lugar na malapit sa ilog at matugunan ang epekto ng climate change.
Inihayag din ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ang updated Bicol River Basin Development Project ay magbibigay prayoridad sa pagpapagaan ng epekto ng mga pagbaha gaya na lang ng epekto ng bagyong Kristine.
Ayon kay Secretary Bonoan, inaasahang masisimulan ang proyekto sa 2026 at matatapos sa 2030 na may pondong P175 bilyon. | ulat ni Diane Lear