Nananatiling lubog sa baha ang 97 na mga lungsod at munisipalidad sa Bicol Region.
Sa isang press briefing sa Office of the Civil Defense (OCD), ibinahagi ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, na sa kasalukuyan ay 97 na mga lungsod at munisipalidad ang nakararanas pa rin ng pagbaha.
Ito ay mas mababa kumpara sa orihinal na bilang na 306 na mga lugar na binaha noong kasagsagan ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Nepomuceno, may mga lugar kung saan halos umabot sa ikalawang palapag ng mga bahay ang tubig-baha.
Ang matinding pagbaha ay iniuugnay hindi lamang sa malakas na ulan na dala ng Bagyong Kristine, kundi pati na rin sa climate change at sa high-tide na sumabay sa pag-ulan.
Samantala, halos kalahating bilyong piso na ng halaga ng tulong na naipaabot ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyo sa Bicol Region.
Mahigit 10,000 tauhan ng AFP ang tumutulong sa mga lugar na apektado ng bagyo ito ay katumbas ng mahigit 1,000 teams ng AFP mula Northern Luzon Command hanggang Southern Luzon Command.| ulat ni Diane Lear