Isinawalat ni dating Laguna Councilor Norvin Tamisin ang naranasang pangigipit sa kaniya ng mga pulis iskalawags.
Ito ay nag-ugat sa pagdawit sa kaniya ng mga pulis sa pagkamatay ng napaslang na Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez na kabilang sa “narco list” ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.
Sa testimonya ni Tamisin sa harap ng House Quad Committee, sinabi niya na nangalap siya ng mga video na makapagsasabi na wala siyang kinalaman sa mga alegasyon laban sa kaniya at inosente siya sa mga paratang.
Nakakadismaya aniya na dahil ipinagkait ng kapulisan na maipresenta sa korte ang video na makapagtuturo ng pumatay sa alkalde kaya nakulong siya ng pitong buwan at nagsilbing “fall guy” sa krimen.
Imbes aniya na protektahan ng kapulisan ang publiko, sila pa ang naging sanhi kaya na-implicate siya sa kaso at nalagay ang buhay niya at kaniyang pamilya sa panganib.
Si Tamisin ay isa sa resource person ng Quad Comm sa isinasagawang imbestigasyon in aid of legislation sa war on drugs ng Duterte administration.| ulat ni Melany V. Reyes