Kapwa itinanggi nina Quad Comm co-chairs Benny Abante at Dan Fernandez ang paratang ni relieved Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) Pol Col. Hector Grijaldo sa pagdinig ng Senado ukol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa kaniyang salaysay, sinabi ni Grijaldo sa mga senador na kinausap siya ni Fernandez at Abante para sang-ayunan ang salaysay ni dating PCSO GM Royina Garma partikular ang tungkol sa reward system sa war on drugs.
Kapalit aniya nito ay promotion.
Sagot ni Abante, wala silang pinipilit na sinumang lumagda ng affidavit kapalit ng anomang pabor at posibilidad pa ng promotion.
“There is no truth to the accusations that I forced anyone to sign any affidavit in exchange for favors or the possibility of promotions,” sabi ni Abante.
Pagbabahagi naman ni Fernandez, ipinatawag nila si Grijaldo dahil ayon mismo sa mga abogado ni Garma ay may alam siya tungkol sa reward sytem.
Ngunit nang sinabi aniya ni Grijaldo na wala siyang alam dito ay hindi na nila itinuloy pa ang pakikipag-usap sa kaniya.
“…pinatawag sya because the lawyer of Col. Garma told us na may alam sya sa reward system we never ask him to sign any affidavit…Lies in the highest level yan…Col. Garma sent her 2 lawyers to be witness to the conversation and then when he said he knows nothing we never insisted because that is not our character,” giit ni Fernandez.
Sabi ni Abante, umaasa pa naman sila na lalabas ang katotohanan sa pagdinig ng Senado para maibigay ang hustisya sa mga inosenteng napatay sa war on drugs ngunit naging malinaw na nagkaroon ng conflict of interest sa hearing.
Gayunman, naniniwala si Abante na lalabas ang katotohnan.| ulat ni Kathleen Forbes