Pinabulaanan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang alegasyon ni dating PCSO general manager Royina Garma na mayroong reward system sa pagpapatupad ng war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Duterte, bakit siya magbibigay ng reward sa mga pulis gayong trabaho naman nila ang manghuli at pumatay ng mga kriminal.
Tinanggi rin ni Duterte ang pahayag ni Garma na tinawagan siya ng dating presidente para maghanap ng mga pulis na Iglesia ni Cristo.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Duterte na wala siyang dahilan para gawin ito.
Sinabi ng dating pangulo na nagsisinungaling lang si Garma at hindi niya rin matandaan na tinawagan niya si Garma noong May 2016, gaya ng nasa testimonya nito.
Bilang pangulo aniya ng bansa dati ay wala siyang pakialam kung anuman ang relihiyon ng mga pulis basta’t nagagawa lang ng mga ito ang kanilang trabaho.
Marami rin naman aniyang pulis sa Davao na member ng INC kaya wala siyang dahilan para hingiin ang tulong ni Garma.| ulat ni Nimfa Asuncion