Dismayado ang mga jeepney driver sa panibagong taas-presyo sa mga produktong petrolyo na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, inilarawan ng mga tsuper ng jeepney na pasakit ang panibagong oil price hike lalo pa’t ngayon pa lamang sila nakababawi mula sa nakalipas na mga rollback.
Anila hindi napapanahon ang panibagong umento na ito sa langis dahil tumaas na rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng gulay.
Kaya tiyak anilang dahil sa panibagong oil price increase, hahagupitin din nito ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin.
Epektibo alas-6 ngayong umaga, ₱0.50 ang umento sa kada litro ng diesel at kerosene habang ₱0.20 naman ang umento sa kada litro ng gasolina.
Una nang ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) na ang naging pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan gayundn ang ipinatupad na production cut ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC). | ulat ni Jaymark Dagala