Nagtala ng kasaysayan ang Mactan Cebu International Airport matapos lumapag sa paliparan sa Lapu-Lapu City ang isang American carrier.
Mula sa Gate 34 ng Tokyo Narita International Airport Terminal 1, pormal na inilunsad ng United Airlines ang pinakaunang nonstop daily flight ng isang American airline sa MCIA.
Sinalubong ng grand water cannon salute ang United Airlines aircraft bilang hudyat ng pagsisimula ng regular direct flight ng nasabing kumpanya mula MCIA sa Cebu patungong Japan.
Nasa 170 pasahero ang lulan ng inaugural flight mula Terminal 2 ng MCIA patungong Narita, sakay ng Boeing 737, at umalis ng alas-9:30 ng umaga, Lunes, October 28, 2024.
Personal na nasaksihan ni Department of Tourism Central Visayas Regional Director Judy Dela Cruz ang makasaysayang flight ng United Airlines kasama ang iba pang opisyal at stakeholder sa aviation industry sa rehiyon.
Nauna nang inanunsyo ng pamunuan ng MCIA, kasama ang CEO nito na si Athanasios Titonis at general manager na si Julius Neri, Jr., na bukod sa mga connecting flights, layunin din ng isa sa pinakamalaking paliparan sa bansa na dagdagan ang direct international flight papasok at palabas ng bansa sa pamamagitan ng Cebu. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu