Kinilala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suporta ng Philippine Air Force (PAF) at Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahatid ng relief assistance sa mga sinalanta ng Bagyong Kristine sa Bicol Region.
Ayon kay Special Assistant to the Secretary for Disaster Response Management Group at kasalukuyang OIC ng National Resource and Logistics Management Bureau Leo Quintilla, patuloy ang koordinasyon at pakikipagtulungan na ginagawa sa pagitan ng DSWD at PAF upang agarang madala ang mga relief supplies sa Bicol Region.
Malaking tulong din aniya ang C-130 cargo aircraft ng Republic of Singapore Air Force sa pag-airlift ng family food packs mula Villamor Air Base patungong Bicol Region.
Karamihan aniya ng mga karagdagang FFPs na nagmula sa National Capital Region ay nai-deliver ng PAF aircrafts.
Habang ang mga suplay naman mula sa Visayas Disaster Resource Center ay inihatid ng mga barko ng Philippine Coast Guard. | ulat ni Rey Ferrer