Nakatutok na ang Quezon City local government sa kaayusan at seguridad sa Bagbag Public Cemetery ngayong Undas.
Ayon kay QC Civil Registry Department Head Salvador Cariño Jr., inaasahan nilang sa October 31 hanggang November 2 ang peak o dagsa ng mga bibisita sa naturang sementeryo na may higit 131,000 ang nakalibing.
Posibleng pumalo sa 50,000 ang mga magtutungo rito sa November 1.
Bukod naman sa Bagbag Public Cemetery, nasa 30,000 ding katao ang inaasahang bibisita sa Novaliches Public Cemetery.
Simula sa October 31 hanggang November 3 ay palalawigin na ang operational hours ng dalawang sementeryo, mula alas-6 ng umaga hanggang sa alas-10 ng gabi.
Una nang nagpaalala ang pamahalaang lungsod sa mga bibisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay na sundin ang mga patakaran sa loob ng mga sementeryo at kolumbaryo. | ulat ni Merry Ann Bastasa