Kinumpirma ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang alok ng United Arab Emirates (UAE), sa pamamagitan ng embahada nito na 33,000 kahon ng family food packs (FFPs) na idaragdag sa nagpapatuloy na relief efforts sa mga biktima ng bagyong Kristine.
Nakipagpulong na si DSWD Secretary Rex Gatchalian at Special Envoy to UAE Trade and Investments Ma. Anna Kathryna Pimentel kay UAE Ambassador to the Philippines H.E. Mohammed Obaid Alzaabi at Emirates Red Crescent Chairman of the Board of Directors H.E Dr. Hamdan Musallam Al Mazrouei para talakayin ang planong pag-rollout ng humanitarian assistance mula sa bansang UAE.
Dito, inilatag ng UAE Embassy ang kanilang plano para sa humanitarian aid, na pangungunahan ang deployment ng relief supplies partikular ang food pack at inuming tubig sa Bicol Region.
Pangungunahan naman ng DSWD at ng kanilang mga regional office ang distribusyon ng relief goods.
Target na maipadala ang unang batch ng donasyon mula sa UAE na 1,000 food box sa mga pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Malanday Elementary School sa Marikina, kasunod ng hagupit ng STS Kristine. | ulat ni Merry Ann Bastasa