Nagpatuloy ang pagsasagawa ng repacking ng relief goods sa Bicol University College of Engineering Gymnasium sa Legazpi City, kung saan aktibong nakibahagi ang Albay Police Provincial Office (APPO) kasama ang iba’t ibang boluntaryo mula sa komunidad, mga opisyal ng pamahalaan, at mga miyembro ng Team Albay Youth Organization.
Sa isang pahayag noong Lunes, October 28, 2024, sa flag-raising ceremony, binigyang-diin ni Provincial Director PCOL Julius Añonuevo ang diwa ng pagkakaisa at bolunterismo na ipinakita ng mga Kasurog Cops.
Ayon sa kanya, mahalaga ang pagtutulungan, lalo na sa mga panahong ito habang ang rehiyon ng Bicol, partikular ang mga residente ng Albay, ay humaharap sa mga pinsalang dulot ng Bagyong Kristine.
Ipinahayag din ni Añonuevo ang kanyang pagkilala sa dedikasyon ng mga unipormadong tauhan sa kanilang pagsasagawa ng rescue, relief, at clearing operations, at hinikayat ang lahat na manatiling matatag at positibo sa kabila ng mga hamon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay