Handa na ang Malabon City government para tiyaking magiging ligtas at mapayapa ang paggunita ng Undas sa lungsod.
Ayon sa LGU, nasa 30,000 Malabueños ang inaasahang magtutungo sa mga sementeryo sa panahon ng Undas.
Naka-standby naman na ang nasa 775 security at first responders sa pangunguna ng MDRRMO para magbigay ng assistance sa mga bibisita sa sementeryo sa lungsod.
May mga nakahanda na ring 21 medical stations, pitong ambulansya at Help Desks para sa mabilisang tugon sa anumang emergency at at umagapay sa mga bibisita sa sementeryo.
Sagot na rin ng LGU ang libreng kandila pagpasok sa sementeryo.
Kaugnay nito, nakiusap naman si City Administrator Dr. Alexander Rosete sa kooperasyon ng mga bibisita sa mga sementeryo at sumunod sa mga panuntunan.
Pinayuhan din ang mga itong magdala ng sariling pagkain, tubig, payong, at hanggat maaari ay huwag nang isama ang maliliit na bata para sa kanilang kaligtasan.
“Ngayong darating ang araw ng pag-alala sa ating mga namayapang mahal sa buhay ay aming sinisiguro na magiging ligtas at magiging payapa ang pagbisita ng mga Malabueño sa mga sementeryo na nasa lungsod o sa pagpunta sa mga bakasyunan. Nakahanda tayo upang tumulong sa mga pupunta sa mga libingan ng kanilang mga kaanak. Sa ngayon, ang hiling lang namin ay ang kooperasyon ng bawat isa at sumunod sa pamantayan upang maging ligtas, maayos, at tahimik ang pag-alala ng mga Malabueño sa kanilang yumaong mga mahal sa buhay ngayong Undas,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.
Simula ngayong araw, October 30-November 2, bukas na ang siyam burial sites sa lungsod kabilang ang Tugatog Public Cemetery, Everlasting Peace Cemetery, San Bartolome Parish Cemetery, Immaculate Heart of Mary Parish Ossuary, Immaculate Concepcion Parish, Our Lady of Lourdes Eternal Park, La Purisima Concepcion, at Sto. Rosario Parish Columbaria. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📸 Malabon LGU