PInag-aaralan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) kung “feasible” o mapagbigyan ba ang pagpapatupad ng moratorium sa disconnection gayundin sa paniningil sa kuryente sa mga lugar na nakapailalim sa State of Calamity dahil sa bagyong Kristine.
Ito’y kasunod na rin ng atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr upang maibsan ang dinaranas na paghihirap ng mga sinalanta ng kalamidad.
Sa inilabas na pahayag ngayong araw, sinabi ng ERC na kinikilala naman nila ang direktiba ng Pangulo subalit kanila muna itong pag-aaralang maigi upang mabalanse rin naman ang operasyon ng mga nasa power sector.
Kabilang sa mga pag-aarlan ng ERC ang posibilidad na gawing pautay-utay ang singil sa kuryente habang bumabawi pa ito sa epekto ng mga nagdaang kalamidad.
Samantala, hinimok naman ng ERC ang ibang Distribution Utilities na pag-aralan din ang mga pamamaraan na para matulungan ang mga konsumer sa kanilang electricity bills.
Nanawagan din ang ERC sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Electric Cooperatives na i-assess ang pinsala at i-fast track ang restoration activity sa mga lugar na sinalanta ng bagyo. | ulat ni Jaymark Dagala