Nag-meeting na kahapon ang mga tauhan ng Philippine Port Authority-Port Management Office o PPA-PMO Surigao upang paghandaan ang posibleng pagdagsa ng mga pasahero patungo sa iba’t ibang destinasyon bilang pag-alala sa kanilang yumao na mahal sa buhay.
Alinsunod sa kautusan ng PPA, mahigpit na ipatutupad ng PMO Surigao ang Oplan Byaheng Ayos. Napagkasunduan ang paglalagay ng Malasakit Help Desk kung saan on-duty ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang concerned agency upang matiyak na maayos at ligtas ang biyahe ngayong Undas.
Ayon kay Port Manager Froilan Caturla, bukod sa mga government agency, kasama rin sa meeting ang mga shipping lines at local stakeholders’ para sa pagpapatupad ng safety measures at upang harapin ang mga hamon ng ferry services.
Panawagan ni Caturla, mas mainam kung maagang darating sa terminal o pantalan ang mga biyahero upang maiwasan ang pagmamadali at makasunod ng maayos sa security procedures.
Ang mga pasahero mula sa mga pantalan ng Surigao ay patungong Siargao Islands, Dinagat Islands Province, Leyte, at mga patungong Cebu. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan