Nagsasagawa na ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG) sa umano’y isang cargo vessel na lumubog sa karagatan ng Paluan Occidental Mindoro, noong kasagsagan ng bagyong Kristine.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard Southern Tagalog, iniulat sa kanila na nawawala ang cargo vessel na MV Sta. Monica-A noong ika-27 ng October 2024.
Ang nasabing barko ay pag-aari ng Synergy Sea Venture Inc.
Umalis daw sa Sta. Cruz Port, Taytay, Palawan, patungong-Casian, Taytay, Palawan ang nasabing barko pero humanap ito ng ligtas na lugar dahil sa bagyong Kristine.
Ngunit mula noon ay hindi na daw ito na-contact ng may-ari ng barko at ang 10 crew kabilang na ang Kapitan.
Ilang mangingisda mula sa bayan ng Mamburao Occidental Mindoro ang nakarekober ng 10 empty LPG tanks sa karagatan ng probinsya, na kalaunan ay napag-alaman na ito ay mula sa nawawalang barko. May mga mangingisda din mula sa Paluan ang nagsabing may nakita silang mga patay na kalabaw na hinihinalang sakay ng MV Sta. Monica A habang may isa pang mangingisda ang nakarekober ng life jacket na may tatak na MV Sta. Monica A at dalawang bilog na salbabida. | ulat ni Michael Rogas