Nag-donate ngayong araw si ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ng 50 box o 5,000 na capsule ng Doxycycline para ipamahagi sa mga lugar na binaha sa Bicol dahil sa Bagyong Kristine.
Ani Tulfo, karamihan sa natatanggap nilang tawag sa kanilang tanggapan ay ang problema sa leptospirosis dahil sa nababad ang mga residente sa baha particular sa Bicol region.
Idinaan ang naturang mga gamot kontra leptospirosis sa Angat Buhay Foundation ni dating Vice Pres. Leni Robredo.
“Karamihan po nang tumatawag sa atin at nagrereport sa social media at may problema sa leptospirosis kaya agad po kaming gumawa ng paraan para makakalap ng ng mga gamot para dito,” ani Tulfo.
Pagtitiyak naman ni Rep. Edvic Yap, na magpapatuloy ang pagpapaabot nila ng ayuda sa mga nangagailangan.
Punto pa ni Rep. Jocelyn Tulfo, dahil sa malawak ang epekto ng bagyo kung kaya’t maging ang mga taga-Northern Luzon ay kanilang pinaaabutan ng tulong.
Matatandaan na kamakailan ay aabot din sa 2,000 sako ng bigas at P1 milyon ang ipinamahagi nitong Oktubre 24 ACT-CIS partylist solons galing sa kanilang mga personal na pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine.
“Ito po yung konting ambag naming ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po para makatulong po sa mga kababayan natin,” ani Tulfo. | ulat ni Kathleen Forbes