Hindi alintana ng mga residente sa Lungsod ng San Juan ang manaka-nakang pag-ulan para gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa San Juan Cemetery ngayong bisperas ng Undas.
Bagaman mangilan-ngilan pa lamang ang mga nagtutungo sa sementeryo ngayong umaga, inaasahan naman ng mga awtoridad ang pagdami nito mula hanggang mamayang hapon lalo na iyong mga ayaw sumabay sa dagsa ng tao bukas.
Gaya sa mga nakalilipas na Undas, nagpapatupad ng sistema ang LGU para sa maayos na pagdaan ng mga magtutungo sa San Juan Cemetery gaya ng paglalagay ng entrance at exit lanes.
Naglatag naman ng Help Desk ang Pulisya katuwang ang Bureau of Fire Protection para umalalay sa mga magtutungo sa sementeryo.
Paalala naman ng LGU, bawal na ang pagpasok ng mga gamit panlinis ng puntod partikular na ang mga paleta, kutsilyo, pintura, at iba pang matatalas na bagay.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng baril, mga nakalalasing na inumin, iligal na droga gayundin ang mga bagay na lumilikha ng ingay gaya ng mga radyo at mobile speaker
Samantala, mabenta na rin ang mga bulaklak sa paligid ng sementeryo na binigyan ng permit ng LGU.
Ang isang boquet ay naglalaro sa ₱100 hanggang ₱400 depende sa ayos, subalit asahan nang magmamahal pa ito hanggang bukas.
Habang ang mga kandila naman ay mabibili mula ₱5 hanggang ₱300 depende sa laki at klase. | ulat ni Jaymark Dagala