Upang bigyang babala ang mga Pinoy sa sangkaterbang scam ngayong panahon ng Undas, ni-reactivate ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), kasama ang Department of Transportation (DOTr), ang Scam Watch Pilipinas “Oplan Bantay Lakbay: Undas 2024.”
Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos, ito ay isang information drive kung saan tatakbo hanggang November 5, at naglalayon ito na tiyaking ligtas at maayos ang travel experience ng mga Pinoy at turistang babyahe sa bansa ngayong Undas.
Aniya sa kagustuhan ng mga Pinoy na makabisita sa puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay ay may mga pagkakataon na nabibiktima ang mga ito ng scammers sa pamamagitan ng hotel and transportation.
Pinag-iingat din ni Ramos ang publiko sa: Open and Unsecured Wi-Fi, Fake E-Wallet apps, Fake Customer Service,
Fake Accommodations Scam, Too-Good-To-Be-True Deals, Fake Travel Agents, Charity Cons, Counterfeit Cash, Hidden CCTVs, at Fixer ng mga tickets.
Maari aniyang tumawag ang publiko sa Inter-Agency Response Center (IARC) ng CICC na Hotline1326 kung saan tuloy-tuloy ang operasyon nito sa kabuuan ng Oplan Bantay Lakbay campaign. | ulat ni Lorenz Tanjoco