Binawi na ng Malacañang ang suspension order laban kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson at Chief Executive Officer Monalisa Dimalanta.
Sa memorandum na mayroong petsang ika-30 ng Oktubre, 2024, at pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, nakasaad ang pag-reinstate o pagbalik kay Dimalanta bilang ERC Chair.
Ibinase ito sa inilabas na order ng Office of the Ombudsman na nagsasabing matapos ang ginawang pagbusisi sa kaso ni Dimalanta, hindi na existing ang ground ng pagkakasuspinde nito.
Dahil dito, iniutos ng EOS na bumalik na sa kaniyang pwesto ang opisyal bilang Chairperson at Chief Executive Officer ng ERC.
Kung matatandaan, si Dimalanta ay pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Ombudsman noong Setyembre, dahil sa alegasyong ‘neglect of duty’ kaugnay sa reklamong isinampa ng isang consumer group.
Habang umiiral ang suspension period ng opisyal, nagsilbing officer-in-charge (OIC) ng ERC si Inter-agency Council Against Trafficking Executive Director Jesse Hermogenes Andres. | ulat ni Racquel Bayan