Nabulabog ang dapat sanang tahimik na paggunita ng Undas sa Bagbag Public Cemetery sa Novaliches, Quezon City.
Ito ay matapos sumiklab ang isang sunog sa may boundary ng sementeryo bandang alas-9 ng umaga.
Ayon kay BFP QC Chief of Operations Major Marvin Mari, nagmula sa isang informal settler sa likod ng sementeryo ang sunog na iniakyat pa sa ikalawang alarma bago naapula bandang 10:17 am.
Nakapanayam din ng RP1 team ang may-ari ng nasunog na bahay na sinabing posibleng ang pumutok na bentilador sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan ang dahilan ng sunog.
Dahil sa taranta, hindi na aniya niya nagawang apulahin ang sunog at binitbit na ang dalawang apo palabas ng bahay.
Bandang 10:17 am naman nang ideklara nang ‘fire out’ ang sunog kung saan nasa higit 20 tahanan at 30 pamilya ang inisyal na naapektuhan. Wala namang naitalang nasugatan at wala ring casualty kasunod ng sunog.
May mga nausukan lamang din na mga nitso pero walang nasunog.
Kasalukuyan pang inaalam ang lawak ng pinsalang dulot ng sunog.
Bandang 10:30 am ay pinayagan na rin muli ang pagpasok ng mga bisita sa loob ng Bagbag Public Cemetery.
As of 11am, aabot na rin sa 21,000 ang nagtungo sa sementeryo. | ulat ni Merry Ann Bastasa