Pangulong Marcos Jr.: Idamay sa panalangin ngayong Undas ang mga biktima ng magkakasunod na sama ng panahon sa bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Umaapela si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na idamay sa panalangin ngayong Undas ang mga biktima ng magkakasunod na bagyo at iba pang sama ng panahon na pumasok sa Pilipinas, nitong mga nagdaang buwan.

Sa inilabas na vlog ng Pangulo ngayong Undas, sinabi nito na mahigit 100 ang nasawi, habang mayroon pa rin nawawala at pinaghahanap pa.

Binanggit rin ng Pangulo ang bilyong pisong halaga ng pinsala na tinamo ng sektor ng agrikultura at imprastruktura ng bansa, bunsod ng mga nagdaang bagyo.

“Milyong-milyong indibidwal at pamilya ang naapektuhan ng nagdaang bagyo. Mahigit isandaan ang naitalang namatay, at may ilan pa ring nawawala at pinaghahanap pa.
Bilyong- bilyong halaga naman ng agrikultura at imprastruktura ang napinsala.” —Pangulong Marcos Jr.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang Pangulo ng sama-samang pag-aksyon, upang mapagaan ang epekto ng Climate Change sa bansa.

Ipinangako ng Pangulo, na kahit nasaan pa sa Pilipinas ang mga nangangailangan, pupuntahan at tutugunan sila ng gobyerno.

Hindi aniya mapapagaod ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko, at lalo pa nilang pagbubutiihin ang pagtugon sa Climate Change. Dahil sa ilalim ng Bagong Pilipinas, target ng pamahalaan na mapababa pa ang casualty tuwing mayroong tatama na sakuna o kaalmidad sa bansa.

“Upang, una, mabawasan ang kaswalidad sa bawat sakuna; pangalawa, upang mabawasan ang bilang ng mga tao at pamilyang naaapektuhan; at pangatlo, upang maprotektahan ang mga maliliit na komunidad at ang mga kabuhayan nila dito. Sa isang Bagong Pilipinas, bawat buhay ay mahalaga.” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us