Iginiit ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Senador Imee Marcos na dapat paghandaan ng Pilipinas ang posibleng epekto sa ating bansa ng magiging eleksyon sa Estados Unidos.
Ayon may Marcos, maaaring magbunga ng malaking pagbabago sa mga polisiya ng U.S. tungkol sa Immigration, investments, at defense ang magiging resulta ng U.S. 2024 Presidential Elections.
Kaya naman iginiit nitong responsibilidad ng gobyerno ng Pilipinas na tiyakin ang sarili nating interes, protektahan ang ating ekonomiya, at mga kapwa Pilipino.
Binigay na halimbawa ng mambabatas ang posibleng pagkakaroon ng mas mahigpit na Immigration policies ng U.S. na maaaring magresulta sa deportation ng mga undocumented Filipino sa U.S.
Gayundin ang maaaring pagbaba ng investment sa BPO (business process outsourcing) sa bansa dahil sa posibleng hakbang na ibalik sa mga American companies na nasa kanilang bansa ang ganitong mga serbisyo at iprayoridad ang pagbibigay trabaho sa mga kapwa nila Amerikano.
Pagdating naman sa national defense, hindi pa aniya tiyak kung ipagpapatuloy ng susunod na U.S. president ang kasalukuyang tulong na ibinibigay ng Estados Unidos sa ating militar, lalo sa defense funding.
Kaya naman, binigyang-diin ni Senador Imee na mahalagang ganap nang maipatupad ang Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act sa lalong madaling panahon.
Nakatakda sa November 5 ang U.S. Presidential Elections. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion