Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang mga tinagurian nitong ‘Alabang Boys’ na inaresto ng mga kawani nito dahil umano sa pagiging mga illegal alien.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, walong illegal alien na kinabibilangan ng anim na Chinese, isang Vietnamese, at isang Chinese woman, ang naaresto sa isang operasyon sa Ayala Alabang Village noong Oktubre 22.
Sa pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI), natukoy ang mga target sa tulong ng mga opisyal ng homeowner association ng naturang village. Sila ay nahuli sa tatlong magkakaibang kalsada at dito natuklasang walang kaukulang dokumento ang mga ito, dalawa ay napag-alamang overstaying, at isa ay pinaghihinalaang illegal entrant.
Dagdag pa ni Viado, nakumpiska rin sa mga suspek ang mga gamit na may kinalaman naman sa online scamming. Sinabi niya na may sapat na batayan ang BI para kasuhan sila ng deportation, at ituturing silang “undesirables” oras na matapos ang mga kaso. | ulat ni EJ Lazaro