Muling nagbigay paalala ang Manila Police District sa pangunguna ng hepe nito na si PBGen. Arnold Thomas Ibay na magdoble ingat ngayong panahon ng Undas.
Paalala ng MPD Chief, kung aalis ng bahay dapat i-secure at i-lock ang mga ito, gayundin ang pagtanggal sa saksakan ng mga appliances upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog.
Nagbigay din ng paalala si Ibay sa mga magtutungo naman sa sementeryo na ingatan ang kanilang sarili kasama ang mga gamit para iwas sa salisi na naghihintay lamang umano ng pagkakataon para magawa ang kanilang mga masamang balak.
Kasabay nito, umiikot din ang mga miyembro ng MPD sa palibot ng mga sementeryo at patuloy na nagpapaalala sa mga bumibisita ngayong araw na patuloy na mag-ingat kahit mas kakaunti ang bilang ng dumarating dito kumpara kahapon. | ulat ni EJ Lazaro