Pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang isang nationwide mass para sa nagdaang All Souls’ Day bilang paggunita sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na pumanaw sa loob ng mga piitan kabilang na iyong mga namatay na walang kamag-anak na nag-angkin sa kanilang mga labi.
Nitong Nobyembre 2, nagtipon ang mga tauhan ng BuCor sa lahat ng pasilidad nito sa buong bansa upang mag-alay ng mga bulaklak at magsindi ng kandila para sa mga yumaong PDL, kabilang ang mga nawala noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.
Simula nang manungkulan noong Oktubre 2022, naging prayoridad ni DG Catapang ang maayos at marangal na pagproseso sa mga labi ng mga hindi naangking PDL, kung saan mahigit 400 ay nailibing sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Dinaluhan ng mga opisyal at trainees ng BuCor ang seremonya, na nagbigay-diin sa kanilang dedikasyon sa paggalang at malasakit para sa lahat ng PDL, kabilang ang mga namatay nang walang kasamang pamilya.
Ayon sa BuCor, ang mga repormang ito sa kanilang hanay ay naglalayong itaguyod ang makataong pagtrato sa mga PDL at kilalanin ang kanilang dignidad sa kabila ng kanilang pagkakakulong sa piitan.| ulat ni EJ Lazaro