Tinatayang umabot sa bilang na 167,538 na biyahero ang naiproseso ng Bureau of Immigration (BI) nitong Undas na katumbas ng pagtaas na aabot sa 12% kumpara noong nakaraang taon.
Ayon sa BI, maraming pasahero ang dumagsa sa mga pangunahing paliparan sa Pilipinas noong Oktubre 31 at Nobyembre 1, higit 41,000 dito ay magmula sa arrivals at 43,000 naman sa departures sa unang araw pa lamang.
Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), humigit-kumulang 14,000 ang naitalang dumating sa Terminal 1, habang halos 20,000 ang dumating at umalis sa Terminal 3.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga tauhan ng BI para sa kanilang dedikasyon, lalo na sa pagtiyak sa seguridad at kaayusan ng biyahe sa gitna ng dagsa ng mga pasahero nitong Undas, kung saan kabilang dito ang 58 na bagong opisyal na idineploy ng BI sa mga key airports.
Itinaguyod din ng BI ang paglalagay at paggamit ng mga electronic gate upang mapabilis ang proseso na nagresulta sa pagbawas ng oras sa pila.
Kinilala din ni Commissioner Viado ang pagsisikap ng mga tauhan ng BI na nagtrabaho nitong holiday season, malayo sa pamilya, para sa pagtitiyak ng kaligtasan sa border at maayos na paglalakbay ng publiko.| ulat ni EJ Lazaro