Tinatayang umabot sa kabuuang bilang na 145,021 ang mga bumisita sa Boracay Island nito lamang nakaraang buwan, ayon sa pinakahuling tala na inilabas ng Municipal Tourism Office ng Malay, Aklan para sa buwan ng Oktubre 2024.
Sa nasabing panahon, nangunguna sa mga turista ay ang mga domestic tourist na umabot sa 118,008, habang 1,295 naman ang mga Overseas Filipino Workers at Overseas Filipinos (OFW/OF). Habang, 25,718 sa bilang na ito ay mga dayuhang turista na bumisita sa isla.
Kung ikukumpara sa Setyembre 2024, nakapagtala ng pagtaas para sa buwan ng Oktubre sa mahigit 23,000 na dagdag na bisita sa tanyag na isla sa Aklan.
Kasabay din umano sa bilang na ito ang mga turistang dumayo sa isla upang makisaya sa ginanap na Boracay White Beach Festival nitong nakaraang buwan din.| ulat ni EJ Lazaro