Sumampa na sa 1,038,729 ang kabuuang bilang ng family food packs (FFPs) na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tuloy-tuloy na distribusyon ng relief packs sa mga naapektuhan ng Bagyong Kristine at Super Typhoon Leon.
Pinakamalaki ang nailaan sa Bicol Region na labis na pinadapa ng magkasunod na bagyo.
Aabot sa higit 375,000 ang ipinamahagi ritong food packs ng DSWD. Sinundan naman ito ng Calabarzon at Central Luzon.
Kaugnay nito, iniulat ng DSWD na dumating na rin ang nasa 5,500 kahon ng family food packs na ipinadala sa isla ng Batanes.
Naihatid ang food packs sa tulong ng BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, bukod sa Batanes, mayroon na ring nakalaang 2,000 food packs para sa munisipalidad ng Calayan sa Cagayan.
“We expect that these will reach open evacuations in the area as soon as possible and to support our affected kababayan who have returned home as Leon exited our country” ani Asec. Dumlao.
Patuloy namang naka-monitor ang DSWD sa higit 50,000 pamilya na nananatili pa rin sa evacuation centers bunsod ng bagyong Kristine at Leon. | ulat ni Merry Ann Bastasa