Ngayong nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Marce, muling pinaalalahanan ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda na maghanda na sa posibleng epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura.
Sa abiso na inilabas ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Service, ang mga lugar na dinaanan ng bagyong Kristine at Leon ay posibleng ang mga lugar din na maaapektuhan ng bagyong Marce.
Kaya pinapayuhan na ang mga magsasaka na anihin na ang mga mature crops at itabi na ang mga post-harvest equipment at facilities.
Inirerekomenda rin ang paglalagay ng seed reserves, planting materials, mga inaalagaang hayop, at kagamitan sa ligtas na lugar.
Gayundin ang maagang paglilinis ng mga drainage sa mga irigasyon upang maiwasan ang pagbaha.
Samantala, ang mga mangingisda ay pinapayuhan na planuhin o kaya naman ay huwag muna pumalaot dahil sa banta ng masamang panahon sa mga susunod na araw dulot ng bagyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa