Aabot sa mahigit P107-M halaga ng tulong pinansyal ang naipamahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol sa mahigit 24,000 indibidwal na apektado ng mga nagdaang bagyo sa rehiyon.
Sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage (TUPAD) Workers, higit sa 23,000 benepisyaryo mula sa probinsya ng Camarines Sur ang nakinabang sa P100.9-M, nasa 1,000 benepisyaryo naman mula sa Albay ang nakinabang sa P4,321,300, mayroong 218 benepisyaryo mula sa Catanduanes ang nakinabang sa P1.29-M, habang mayroong 182 benepisyaryo mula sa Masbate ang nakinabang sa P718,900.
Ang TUPAD ay isang community-based package ng Kagawaran na nagbibigay ng panandaliang tulong na trabaho upang mabawasan ang epekto ng kalamidad, sakuna, at pandemya sa mga manggagawa sa impormal na sektor.
Sa ilalim nito, nabibigyan ng trabaho ang isang displaced worker, underemployed, at seasonal na manggagawa sa loob ng 10-30 araw, depende sa uri ng trabahong gagawin. Babayaran ang mga benepisyaryo ng sahod batay sa umiiral na pinakamataas na minimum wage sa probinsya. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay