Sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ay binigyang diin ni House Majority Leader Mannix Dalipe na magiging prayoridad ng Kamara ang ratipikasyon ng panukalang pambansang pondo para sa taong 2025.
Aniya umaasa silang maratipikahan ng dalawang kapulungan ang bicam report ng 2025 General Appropriations Bill bago ang kanilang Christmas break sa December 20.
Sa ganitong paraan, masisiguro na may sapat na panahon ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ito ay aralin bago tuluyang lagdaan.
“As in the past, the spending program for the coming year will be in place before the current fiscal year is over to ensure continuity of spending and seamless implementation of activities and programs,” sabi ni Dalipe.
Kasabay nito, kinumpirma rin ni Dalipe na magtutuloy-tuloy ang mga pag-dinig ng mga komite ng Kamara bilang bahagi ng oversight function nito.
Partikular dito ang Quad Comm na magkakaroon ng susunod na pulong sa November 7, Good Government and Public Accountability Committee na magsasagawa ng pag-dinig bukas, November 5 at ang Quinta Comm na tututok sa isyu ng smuggling at presyuhan ng batayang bilihin.
“We remain steadfast in protecting our people from abuses and in exposing acts of wrongdoing in government,” dagdag ng House Majority Leader.
Tututukan din aniya ng Kapulungan ang pagpapatibay sa nalalabing LEDAC priority bills partikular ang Budget Modernization Bill, National Defense Bill, amyenda sa Agrarian Reform Law, at mayenda sa Foreign Investors’ Long-Term Lease. | ulat ni Kathleen Forbes