May 559 pamilya sa lalawigan ng Batangas na nasiraan at nawalan ng bahay dahil kay bagyong Kristine ang pinagkalooban ng shelter materials ng Department of Human Settlements and Urban Development.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay bahagi ng patuloy na paglulunsad ng “conveyor belt of aid”ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mga biktima ng bagyo.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, may 159 pamilya mula sa bayan ng Talisay, at tig 200 pamilya mula sa Laurel at Agoncillo ang nakatanggap ng home materials and essentials (HOMEs).
Kabilang sa mga ibinibigay sa mga pamilya ang mga GI roof, marine plywood, mga tabla at mga pako na kinakailangan para sa pagkukumpuni ng mga nasirang tirahan.
Aniya, ang pamamahagi ng shelter materials ay pagsisikap ng DHSUD, private partners at mga local government units.
Inatasan ng kalihim ang DHSUD Regional Office 4A na tiyakin na lahat ng mga nasiran ng bahay, ay matutulungan.
Bukod dito, nagbibigay din ng unconditional cash assistance ang DHSUD sa mga pamilya na nasiraan at nawalan ng bahay sa panahon ng kalamidad. | ulat ni Rey Ferrer