Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. na nahatak na kagabi sa gilid ng Basco Airport ang C295 aircraft ng Philippine Air Force, na nagkaaberya noong November 1.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo kaninang umaga, sinabi ni Brawner, inaasahan nilang matutuloy na ang kanilang relief operations sa Batanes sa lalong madaling panahon matapos maantala dahil sa insidente.
Paliwanag niya, makakapagdala na ngayon ng relief goods ang mga sundalo sa Batanes para sa mga apektado ng bagyong Kristine at Leon.
Nabatid na iniimbestigahan na ng Air Force ang sanhi ng insidente makaraang magkaproblema ang landing ng aircraft.
Samantala, sinabi naman ni Brawner na naghahanda na rin sila sa posibleng epekto ng bagyong Marce at nakatakda silang mag-preposition ng family food packs sa Batanes. | ulat ni Jaymark Dagala