Kailangang pag-aralang mabuti ang panukalang ipagpaliban ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.
Ito ang reaksyon ni Senador Juan Miguel Zubiri, na principal author at sponsor ng Bangsamoro Organic Law, sa panukalang isusulong ni Senate President Chiz Escudero.
Pinunto ni Zubiri na bagama’t una nang pinalawig ang termino ng Bangsamoro Transition Autonomous (BTA) noong pandemic, sinabi na aniya ng mga taga doon na ito lang ang tanging extension na tatanggapin nila.
Pero ibang usapan na aniya kung gagawin muli ito sa 2025.
Sinabi ni Zubiri na kailangan munang alamin ang mga basehan ng isusulong na panukala at kung may merito para payagan ang postponement ng eleksyon.
Ayon sa senador, hihintayin muna nya ang magiging paliwanag ng mga nagsusulong ng pagpapaliban ng halalan sa BARMM.
Pinunto rin ni Zubiri na nangako na sila noon na hindi na uli papayagan ang pagpapaliban ng halalan para huwag masupil ang kagustuhan ng mga taga BARMM na makapamili ng mamumuno sa kanila sa pamamagitan ng electoral process.| ulat ni Nimfa Asuncion