Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian na maaring magresulta sa pagkakaroon ng mataas na refund para sa mga konsumer ang pag reset ng Energy Regulatory Commission (ERC) ng power distribution rates para sa mga Distribution Utilities (DU), gaya ng Meralco
Pinaliwanag ni Gatchalian na karaniwang ginagawa ang rate reset kada limang taon para suriin ang gastos ng kumpanya at tiyaking makatuwiran ang singil sa mga konsyumer.
Naniniwala ang senador na mas mataas pa ang refund mula sa Meralco kapag natapos na ng ERC ang pag-reset ng distribution sa ilalim ng 5th regulatory period
Ipinunto ni Gatchalian na ang weighted average cost of capital (WACC) ng Meralco, na isang input sa pagtatakda ng distribution rate, ay hindi na nagbago mula pa noong 2015.
Mahalaga aniya ang WACC dahil ito ang batayan ng regulasyon para sa tamang kita ng kumpanya habang pinapangalagaan ang interes ng mga konsyumer.
Ginagamit ito para matukoy kung gaano kababa o kataas ang halaga ng returns na kailangan ng Meralco upang maging matatag at makapaghatid ng serbisyo sa kuryente.
Idinagdag ng mambabatas na dapat tugunan ng ERC ang pagkaantala sa pagsasagawa ng mga regulatory review sa mga industry player sa sektor ng enerhiya.| ulat ni Nimfa Asuncion