Walang plano ang Commission on Elections (COMELEC) na itigil ang ginagawa nilang paghahanda para sa kauna-unahang halalan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay sa kabila ng inihaing panukalang batas ni Senate President Francis Escudero na huwag ituloy ang nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Sabi ni COMELEC Chair George Erwin Garcia, panukala pa lamang ang inihain sa Senado at hindi pa naman ito tuluyang naisasabatas.
Dahil mahaba pa ang magiging talakayan sa nasabing proposed bill ay gagawin pa rin ng COMELEC ang kanilang mandatory na maghanda para sa BARMM Election.
Katunayan, nagsimula na ang komisyon sa pagtanggap ng mga naghahain ng kandidatura sa BARMM na nagsimula kahapon. | ulat ni Mike Rogas