Hindi dapat ikabahala ang naitalang pagtaas sa inflation rate sa buwan ng Oktubre sa 2.3 percent ayon kay House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda.
Ayon sa economist solon, ang inflation rate nitong Oktubre ay pasok pa rin naman sa 2-4 percent target gayundin ang 3.3 percent rate para sa 10-month average.
Kaya naman kumpiyansa si Salceda na ang full year inflation ng bansa ay pasok pa rin sa 2-4 percent target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Bunsod naman nito, maaari aniyang magpatupad ng rate cuts ang BSP lalo na at inaasahan ang remittances ng mga overseas Filipino worker (OFW) ngayong Disyembre, para mabigyan ng espasyo na mapalakas ang halaga ng piso.
Sinabi rin ni Salceda, na nagkaroon na ng pagbaba sa month-on month pricing ng ng bigas.
Ibig sabihin aniya, gumagana ang ipinatupad na polisiya ni Pangulong Ferdinad R. Marcos Jr. na tapyasan ang taripa ng imported na bigas.
Maliban dito, kinakitaan din aniya ng pagbaba sa year on year inflation ng karne. | ulat ni Kathleen Forbes